Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 2:11-21

Mga Taga-Galacia 2:11-21 RTPV05

Nang si Pedro ay nasa Antioquia, harapan kong sinabi sa kanya na mali ang kanyang ginagawa, dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat ng mga Judio na nagbibigay diin sa pagtutuli. At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?” Kami'y ipinanganak na Judio, at hindi makasalanang Hentil. Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami rin ay sumasampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat ang tao'y hindi pinapawalang-sala dahil sa pagsunod sa Kautusan. Ngunit kung kaming nagsisikap na mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuang makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! Ngunit kung itatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. Hindi ko maaaring tanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Taga-Galacia 2:11-21

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya