Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodo 12:23-51

Exodo 12:23-51 RTPV05

Sa gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.” Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron. Nang hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki. Nang gabi ring iyo'y ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako.” Inapura sila ng mga Egipcio at sinabi sa kanila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito.” Kaya, binalot nila ng damit ang minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa, ni alisin sa sisidlan; pinasan nila iyon at umalis. Noo'y nahingi na nila sa mga Egipcio ang mga alahas na pilak at ginto at mga damit, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises. Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila'y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio. Mula sa Rameses, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami rin silang dalang tupa, kambing at baka. At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang pampaalsa. Hindi nila ito nakuhang lagyan pa ng pampaalsa sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain. Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Paskwa: Bawal kumain nito ang mga dayuhan; ngunit ang alilang binili ninyo ay maaaring pakainin nito kung siya ay tuli na. Hindi rin maaaring kumain nito ang mga dayuhang nakikipanuluyan lamang sa inyo, o kaya'y ang mga upahang manggagawa. Ang korderong pampaskwa ay dapat kainin sa loob ng bahay na pinaglutuan nito. Huwag ilalabas kahit kapiraso nito at huwag ding babaliin kahit isang buto. Ang Pista ng Paskwa ay ipagdiriwang ng buong Israel. Lahat ng dayuhang nakikipamayan sa inyo na gustong makipagdiwang sa Paskwa ay kailangang tuliin muna pati ang kanyang mga anak na lalaki bago pasalihin sa pagdiriwang. Sa gayo'y ituturing silang katutubong Israelita. Huwag hahayaang kumain nito ang sinumang hindi tuli. Lahat ay saklaw ng mga tuntuning ito, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhan.” Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ni Yahweh kina Moises at Aaron. Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Exodo 12:23-51

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya