Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 9:32-43

Mga Gawa 9:32-43 RTPV05

Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga kapatid sa pananampalataya. Sa pagdalaw niya sa mga kapatid sa Lida, natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka na ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!” At agad siyang tumayo. Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at nanampalataya sila sa Panginoon. Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas, na ang kahulugan ay usa. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. Di-kalayuan sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na nasa Lida si Pedro, isinugo nila ang dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga mahabang panloob na kasuotan at mga damit na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga mananampalataya at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. Matagal-tagal ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya