Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 16:1-15

Mga Gawa 16:1-15 RTPV05

Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroroon si Timoteo na isang alagad. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lunsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. Sa bawat lunsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya't tumibay sa pananampalataya ang kaanib ng bawat iglesya, at araw-araw nadaragdagan ang bilang ng mga alagad. Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia, naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. Pagdating sa hangganan ng Misia, nais nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita. Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, na isang kolonyang Romano at pangunahing lunsod sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lunsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. Kabilang dito ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at kanyang pinaniwalaan ang ipinapangaral ni Pablo. Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” At tinanggap naman namin ang kanyang paanyaya.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya