Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 11:19-30

Mga Gawa 11:19-30 RTPV05

Ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Saanman sila makarating, ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griego tungkol sa Panginoong Jesus. Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at nanalig sa Panginoong Jesus. Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon. Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus. Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. Tumayo ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. Napagpasyahan ng mga mananampalataya na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya