Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 3:1-9

1 Mga Taga-Corinto 3:1-9 RTPV05

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. Gatas ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman? Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin. Kayo rin ay gusali ng Diyos.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya