MGA TAGA ROMA 3:1-23
MGA TAGA ROMA 3:1-23 ABTAG01
Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli? Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos. Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos? Huwag nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat, “Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita, at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan.” Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di-makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.) Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan? Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan? At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang-puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?” Ang kahatulan sa kanila ay nararapat. Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, gaya ng nasusulat, “Walang matuwid, wala, wala kahit isa; wala ni isang nakakaunawa, wala ni isang humahanap sa Diyos. Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan; walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.” “Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.” “Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.” “Ang kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.” “Ang kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo; pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas, at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.” “Walang takot sa Diyos sa kanilang mga mata.” Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos. Sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan. Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta; ang pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba, yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos

