Ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel:
Upang ang tao ay matuto ng karunungan at pangaral,
upang ang mga salita ng pagkaunawa ay malaman,
upang tumanggap ng turo sa matalinong pamumuhay,
sa katuwiran, katarungan, at pagkakapantay-pantay,
upang mabigyan ng talino ang walang muwang
kaalaman at mabuting pagpapasiya sa kabataan—
upang marinig din ng matalino, at lumago sa kaalaman,
at magtamo ang taong may unawa ng kahusayan,
upang umunawa ng kawikaan at ng pagsasalarawan,
ng mga salita ng pantas, at ng kanilang mga palaisipan.
Ang takot sa PANGINOON ang pasimula ng kaalaman;
ang karunungan at turo ay hinahamak ng hangal.
Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama,
at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina;
sapagkat sila'y magandang korona sa iyong ulo,
at mga kuwintas sa iyong leeg.
Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan,
huwag kang pumayag.
Kung kanilang sabihin,
“Sumama ka sa amin, tayo'y mag-abang upang magpadanak ng dugo,
ating tambangan nang walang dahilan ang walang sala;
gaya ng Sheol, sila'y lunukin nating buháy,
at buo, na gaya ng bumababa sa Hukay.
Tayo'y makakasumpong ng lahat ng mamahaling bagay;
ating pupunuin ng samsam ang ating mga bahay.
Makipagsapalaran kang kasama namin;
magkakaroon tayong lahat ng iisang supot”—
anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila;
pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas.
Sapagkat ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan,
at sila'y nagmamadali sa pagbububo ng dugo.
Sapagkat walang kabuluhang iladlad ang isang bitag,
habang nakatingin ang ibon.
Ngunit sila'y nag-aabang sa sarili nilang dugo,
at tinatambangan ang sarili nilang buhay.
Gayon ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang,
ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw.