Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

FILIPOS 3:12-21

FILIPOS 3:12-21 ABTAG01

Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap, nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus. Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos. Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na. Mga kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin. Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo. Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa. Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo, na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.