Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 4:12-25

MATEO 4:12-25 ABTAG01

Nang mabalitaan ni Jesus na dinakip si Juan, pumunta siya sa Galilea. Nang iwan niya ang Nazaret, siya ay pumunta at tumira sa Capernaum, na nasa tabing-dagat, na sakop ng Zebulon at Neftali, upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Ang lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali, patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil— Ang bayang nakaupo sa kadiliman, ay nakakita ng dakilang ilaw, at sa mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan, ang liwanag ay sumilay.” Mula noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral na nagsasabi, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.” Sa paglalakad ni Jesus sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.” Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos ng lambat; at kanyang tinawag sila. Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya. At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao. Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling. At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan.

Video para sa MATEO 4:12-25