MATEO 13:18-23
MATEO 13:18-23 ABTAG01
“Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik. Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan. Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan. Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod. Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga. Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”





