Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
PERES; ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.