DANIEL 2:2-23
DANIEL 2:2-23 ABTAG01
Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari. At sinabi ng hari sa kanila, “Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip.” Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico, “O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.” Sinagot ng hari ang mga Caldeo, “Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi. Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito.” Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, “Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.” Ang hari ay sumagot, “Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak, na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito.” Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, “Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo. At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao.” Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia. Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila. Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong-kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia. Sinabi niya kay Arioc na punong-kawal ng hari, “Bakit madalian ang utos ng hari?” Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel. Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan. Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan. Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia. At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit. Sinabi ni Daniel: “Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman, sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan. Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan; siya'y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa may pang-unawa; siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay; kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay naninirahan sa kanya. Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno, ako'y nagpapasalamat at nagpupuri, sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan, at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo; sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari.”


