MGA GAWA 8:1-8
MGA GAWA 8:1-8 ABTAG01
Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya. Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol. Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya. Ngunit winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan. Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita. Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya. Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.



