Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 21:15-30

I MGA CRONICA 21:15-30 ABTAG01

Ang Diyos ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem upang puksain ito, subalit nang kanyang pupuksain na ito, ang PANGINOON ay tumingin, at iniurong niya ang pagpuksa. Sinabi niya sa mamumuksang anghel, “Tama na. Itigil mo na ang kamay mo.” Ang anghel ng PANGINOON ay nakatayo noon sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo. Tumingin si David sa itaas at nakita niya ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa pagitan ng lupa at langit na may hawak na tabak sa kanyang kamay na nakatutok sa Jerusalem. Nang magkagayon, si David at ang matatanda na nakadamit-sako ay nagpatirapa. Sinabi ni David sa Diyos, “Hindi ba't ako ang nag-utos na bilangin ang bayan? Ako ang tanging nagkasala at gumawa ng malaking kasamaan. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang nagawa? Idinadalangin ko sa iyo, O PANGINOON kong Diyos, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin at sa sambahayan ng aking ama; ngunit huwag mong bigyan ng salot ang iyong bayan.” Pagkatapos ay inutusan ng anghel ng PANGINOON si Gad upang sabihin kay David na siya'y umakyat, at magtayo ng isang dambana para sa PANGINOON sa giikan ni Ornan na Jebuseo. Kaya't si David ay pumunta ayon sa salita ni Gad na kanyang sinabi sa pangalan ng PANGINOON. Lumingon si Ornan at nakita ang anghel; samantalang ang kanyang apat na anak na kasama niya ay nagkukubli, si Ornan ay nagpatuloy sa paggiik ng trigo. Samantalang si David ay papalapit kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David. Lumabas siya sa giikan, at yumukod kay David na ang kanyang mukha ay nasa lupa. Sinabi ni David kay Ornan, “Ibigay mo sa akin ang lugar ng giikang ito upang aking mapagtayuan ng isang dambana para sa PANGINOON. Ibigay mo ito sa akin sa kabuuang halaga nito upang ang salot ay tumigil sa bayan.” Sinabi ni Ornan kay David, “Kunin mo na at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa kanyang paningin. Ipinagkakaloob ko ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kasangkapan ng giikan bilang panggatong, at ang trigo para sa handog na butil. Ibinibigay ko ang lahat ng ito.” Ngunit sinabi ni Haring David kay Ornan, “Hindi. Bibilhin ko ito sa buong halaga, sapagkat hindi ako kukuha ng sa iyo para sa PANGINOON, o maghahandog man ako ng handog na sinusunog nang wala akong ginugol.” Kaya't binayaran ni David si Ornan para sa lugar na iyon ng animnaraang siklong ginto ayon sa timbang. Nagtayo roon si David ng isang dambana para sa PANGINOON, at naghandog ng mga handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan. Tumawag siya sa PANGINOON; at kanyang sinagot siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog. Pagkatapos ay inutusan ng PANGINOON ang anghel; at kanyang ibinalik sa kaluban ang kanyang tabak. Nang panahong iyon, nang makita ni David na sinagot siya ng PANGINOON sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya'y nag-alay ng handog doon. Sapagkat ang tabernakulo ng PANGINOON na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na sinusunog, nang panahong iyon ay nasa mataas na dako sa Gibeon. Ngunit si David ay hindi makapunta sa harap niyon upang sumangguni sa Diyos, sapagkat siya'y natatakot sa tabak ng anghel ng PANGINOON.