Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 15:17-35

Job 15:17-35 MBB05

“Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin, ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin. Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo, mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno. Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigay at walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan. “Ang taong mapang-api at puno ng kasamaan, laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay. Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig, papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik. Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayan pagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang. Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay, alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan. Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan, parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan. “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabang at ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan. Ipinagmamalaki pa ang ginagawang pagsuway at ang palagi niyang hawak ay kanyang kalasag, at ang hangad ay habulin at labanan ang Maykapal. Siya ay nanakop ng maraming bayan, mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam, ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan. Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal, maging ang buhay niya'y madali ring papanaw. Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob, siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog, na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin. Dahil nagtiwala siya sa kahangalan, kahangalan din ang kanyang kabayaran. Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran, tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa. Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas, at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag. Walang matitira sa lahi ng masama, masusunog ang bahay na sa suhol nagmula. Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan, pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.”