Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Amos 3

3
1Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:
2“Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
dahil sa inyong mga kasalanan.”
Ang Gawain ng Propeta
3Maaari bang magsama sa paglalakbay
ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
4Umuungal ba ang leon sa kagubatan
kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
kung wala siyang nahuling anuman?
5Mabibitag ba ang isang ibon
kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
kung ito'y walang huli?
6Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
7Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
8Kapag umungal ang leon,
sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
sinong hindi magpapahayag?
Ang Hatol sa Samaria
9Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10“Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
“Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”
12Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.
13“Pakinggan ninyong mabuti ito at babalaan ang mga anak ni Jacob,”
sabi ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
14“Sa#2 Ha. 23:15. araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan,
wawasakin ko ang mga altar sa Bethel,
at malalaglag sa lupa ang mga iyon.
15Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw.
Guguho ang mga bahay na yari sa garing;
ang malalaking bahay ay wawasaking lahat.”

Kasalukuyang Napili:

Amos 3: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya