Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 8:1-12

Mga Taga-Roma 8:1-12 ASD

Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Kristo Hesus. Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Kristo Hesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu na nagbibigay-buhay. Hindi nagawang alisin ng Kautusan ang kapangyarihan ng kasalanan dahil sa kahinaan ng tao na sundin ang mga utos. Ngunit nagawa ito ng Diyos nang isugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang alisin ang kapangyarihan ng kasalanan. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinakda ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao. Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Ngunit ang tao namang namumuhay ayon sa Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Espiritu. Ang pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay hahantong sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa nais ng Espiritu ay hahantong sa buhay at kapayapaan. Sapagkat ang taong sumusunod sa nais ng kanyang makasalanang pagkatao ay kalaban ng Diyos. Hindi siya sumusunod sa kautusan ng Diyos, at talagang hindi niya magawang sumunod. Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon na sa patnubay ng Espiritu, kung totoo ngang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Kristo, siyaʼy hindi kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo na si Kristo, mamatay man ang katawan ninyo dahil sa kasalanan, binubuhay naman kayo ng Espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Diyos. At kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na muling bumuhay kay Hesu-Kristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang namamatay. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo. Kaya nga mga kapatid, may tungkulin tayo, ngunit hindi sa pagsunod sa kagustuhan ng ating makasalanang pagkatao.