Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 3:1-23

Mga Taga-Roma 3:1-23 ASD

Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Hudyo? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? Totoong nakahihigit ang mga Hudyo sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Diyos. Paano kung hindi naging tapat ang iba sa kanilang pagsunod sa Diyos? Nangangahulugan ba iyon na hindi na rin magiging tapat ang Diyos sa pagtupad sa kanyang mga pangako? Aba hindi! Sapagkat tapat ang Diyos sa kanyang mga salita, kahit sinungaling pa ang tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan: “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.” Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Diyos, hindi makatarungan ang Diyos kung parurusahan niya kami. (Ganyan ang pangangatwiran ng mundo.) Ngunit maling-mali ʼyan, sapagkat makatarungan ang Diyos. Nararapat lamang na hatulan niya ang sanlibutan! Maaari ding may magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Diyos, at dahil dito ay papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama upang lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Diyos. Ano ngayon ang masasabi natin? Tayo bang mga Hudyo ay nakalalamang sa mga Hentil? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko nang ang lahat ng tao ay makasalanan, Hudyo man o hindi. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan: “Walang matuwid sa paningin ng Diyos, wala kahit isa; Walang nakakaunawa tungkol sa Diyos, walang nagsisikap na makilala siya. Ang lahat ay tumalikod sa Diyos, at pare-parehong naging walang kabuluhan; Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” “Ang kanilang pananalita ay hindi masikmura tulad ng bukas na libingang nakakasuka. Ang kanilang sinasabiʼy puro pandaraya.” “Parang kamandag ng ahas ang nasa labi nila.” “Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.” “Sa kaunting dahilan lang ay pumapatay agad sila; kapahamakan at hinagpis ang lagi nilang dala. Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa.” “Walang bahid ng takot sa Diyos sa kanilang mga mata.” Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Hudyo na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, upang walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Diyos. Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya. Ngunit ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Diyos na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan at ang isinulat ng mga propeta ang nagpapatotoo rito. Ang taoʼy itinuturing ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu-Kristo. At walang kinikilingan ang Diyos. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Hesu-Kristo ay itinuturing niyang matuwid. Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa kaluwalhatian ng Diyos.