Mga Taga-Roma 12:3-8
Mga Taga-Roma 12:3-8 ASD
Sapagkat dahil sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo: Huwag ninyong pahalagahan nang higit sa nararapat ang inyong sarili. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Diyos sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain, ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Kristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Diyos ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ipinagkaloob sa isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Diyos, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya. Kung ang ipinagkaloob sa kanya ay paglilingkod, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya; kung pagpapalakas-loob, magpalakas siya nang loob; kung pagbibigay, magbigay siya nang bukas-palad; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.






