Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 84:1-12

Salmo 84:1-12 ASD

PANGINOON ng mga Hukbo, kay ganda ng inyong Templo! Gustong-gusto kong pumunta roon! Nananabik akong pumasok sa inyong Templo, PANGINOON. Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo, O Diyos na buháy. PANGINOON ng mga Hukbo, aking Hari at Diyos, kahit ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay. Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong Templo; lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo. Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo at nananabik na makapunta sa inyong Templo. Habang binabaybay nila ang lambak ng Baca, iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan. Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Diyos doon sa Zion. O PANGINOON, Diyos ng mga Hukbo, pakinggan nʼyo ang aking panalangin, O Diyos ni Jacob, Pagpalain nʼyo O Diyos, ang tagapagtanggol namin, ang hari na inyong pinili. Ang isang araw sa inyong Templo ay higit na mabuti kaysa sa isang libong araw sa ibang lugar. Mas nanaisin ko pang mamalagi sa bahay ng aking Diyos, kaysa manirahan sa bahay ng masasama. Dahil kayo PANGINOONG Diyos ay tulad ng araw na nagbibigay-liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin. Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay. O PANGINOON ng mga Hukbo, mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.