Salmo 68:7-18
Salmo 68:7-18 ASD
O Diyos, nang pangunahan ninyo sa ilang ang inyong mga mamamayan, nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan, O Diyos ng Israel na nagpahayag sa Sinai. Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan. Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan. Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe, at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan: “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo! Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babaeng nasa mga kabahayan. Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.” Nang ikalat ng Diyos na Makapangyarihan ang mga haring iyon, pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon. Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito. Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng PANGINOON bilang maging tahanan niya magpakailanman? Dumating ang PANGINOONG Diyos sa kanyang banal na lugar mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe. Nang umakyat siya sa mataas na lugar, marami siyang dinalang bihag. Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya. At doon maninirahan ang PANGINOONG Diyos.

