Salmo 45
45
Salmo 45
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Ang tono nitoʼy katulad ng tono ng awiting “Mga Liryo” na Katha ng mga anak ni Kora. Isa itong maskil. Itoʼy awit sa kasal.
1Punong-puno ng magagandang salita
ang aking puso
habang akoʼy bumibigkas ng mga tula
para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita
ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Diyos.
3Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan,
kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay
sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso
ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa
sa inyong paanan.
6O Diyos, ang inyong kaharian ay magpakailanman
at ang inyong paghahari ay makatarungan.
7Kinalulugdan ninyo ang gumagawa ng matuwid
at kinamumuhian ninyo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Diyos, na iyong Diyos,
at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya
sa mga kasama mo.
8Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan
ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,#45:8 nakakasilaw sa ganda: Sa literal, nilagyan ng palamuti.
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae
ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas
na purong ginto mula sa Ofir.
10O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak
at mga kababayan.
11Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12Ang mga taga-Tiro ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman
ay hihingi ng pabor sa iyo.
13Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa
sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda
ay may mga burdang ginto.
14Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15Lahat silaʼy nagagalak at nananabik
habang pumapasok sa palasyo ng hari.
16Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno
sa buong daigdig.
17Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
Kasalukuyang Napili:
Salmo 45: ASD
Haylayt
Ibahagi
Paghambingin
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.