Salmo 40:1-17
Salmo 40:1-17 ASD
Akoʼy matiyagang naghintay sa PANGINOON, at dininig niya ang aking mga daing. Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon. Ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi mapahamak. Tinuruan niya ako ng bagong awit, ang awit ng pagpupuri sa ating Diyos. Marami ang makakasaksi at matatakot sa PANGINOON, at silaʼy magtitiwala sa kanya. Mapalad ang taong sa PANGINOON nagtitiwala, at hindi lumalapit sa mga mapagmataas, o sumasamba sa mga diyos-diyosan. PANGINOON kong Diyos, wala kayong katulad. Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin, at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin. Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin. Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog. Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan. Itoʼy inyong ipinaunawa sa aking isipan. Kaya sinabi ko, “Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin. O Diyos, nais kong sundin ang inyong kalooban. Ang inyong mga kautusan y iniingatan ko sa aking puso.” Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas. At alam nʼyo, PANGINOON, na hindi ako titigil sa paghahayag nito. Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin. Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan. Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan. Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan. PANGINOON, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin. Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin. Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin. Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan, kaya hindi na ako makakita. Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok. Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa. PANGINOON, pakiusap! Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan. Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako. Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak. Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!” Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya. Ang mga naghahangad ng inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi, “Dakila ka, o PANGINOON!” Ako naman na dukha at nangangailangan, alalahanin nʼyo ako, Panginoon. Kayo ang tumutulong sa akin. Kayo ang aking Tagapagligtas. Aking Diyos, agad nʼyo akong tulungan.





