Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 135:1-21

Salmo 135:1-21 ASD

Purihin ang PANGINOON! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya, na naglilingkod sa bahay ng PANGINOON, sa bakuran ng Templo ng ating Diyos. Purihin ninyo ang PANGINOON, dahil siya ay mabuti. Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya. Purihin ninyo siya! Sapagkat pinili niya ang lahi ni Jacob na maging kanya, at ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob na maging kanyang mahalagang ari-arian. Alam kong ang PANGINOON ay higit na dakila kaysa sa alin mang diyos-diyosan. Ginagawa ng PANGINOON ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman. Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malalayong dako ng mundo, at ipinadala ang kidlat na may kasamang ulan. Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito. Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Ehipsiyo; pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop. Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod. Winasak niya ang maraming bansa, at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari, katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan, at ang lahat ng hari ng Canaan. Kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari. PANGINOON, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi. Dahil patutunayan nʼyo, PANGINOON, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan, at silaʼy inyong kahahabagan. Ang mga diyos ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao. May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita; may mga mata, ngunit hindi nakakakita. May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig, at hindi sila humihinga. Ang mga gumawa ng diyos-diyosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito. Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang PANGINOON! Kayong mga may takot sa PANGINOON, purihin ninyo siya! Purihin ninyo ang PANGINOON na nasa Zion, ang lungsod ng Jerusalem na kanyang tahanan.