Ang taong tumatanggap ng pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay nagnanais ng karunungan, ngunit ang taong ayaw tumanggap ay hangal. Ang mabuting tao ay kinalulugdan ng PANGINOON, ngunit ang taong nagpaplano ng masama ay kanyang pinarurusahan. Ang taong gumagawa ng masama ay walang katatagan, ngunit ang taong matuwid ay matatag tulad ng isang punongkahoy na malalim ang ugat. Ang mabuting maybahay ay kasiyahan at karangalan ng kanyang asawa, ngunit parang kanser sa buto ang nakakahiyang asawa. Ang iniisip ng taong matuwid ay tama, ngunit ang mga payo ng taong masama ay mapanlinlang. Ang salita ng taong masama ay nakamamatay, ngunit ang salita ng taong matuwid ay nakapagliligtas. Mapapahamak at maglalaho ang mga taong masama, ngunit mananatili ang lahi ng mga taong matuwid. Pinararangalan ang taong may karunungan, ngunit hinahamak ang taong masama ang kaisipan. Mas mabuti ang taong simple ngunit kayang magbayad ng katulong kaysa sa taong nagkukunwaring mayaman ngunit kahit makain ay wala naman. Ang taong matuwid ay mabait sa kanyang mga alagang hayop, ngunit ang taong masama ay malupit at walang awa sa kanyang mga hayop. Ang masipag magsaka sa kanyang lupain ay laging sagana sa pagkain, ngunit ang gumugugol ng oras sa walang kabuluhang bagay ay salat sa karunungan. Kinaiinggitan ng magnanakaw ang nasamsam ng kanyang kapwa, subalit nag-uugat ang matuwid at nananatiling matatag. Ang kasamaang sinasabi ng taong masama ay nagdudulot sa kanya ng gulo, ngunit ang taong matuwid ay umiiwas sa gulo. Ang mga salitang nagmumula sa karunungan, ay nagbubunga ng mabubuting bagay at ang pagbabanat-buto namaʼy may gantimpalang naghihintay. Ang akala ng hangal ay palagi siyang tama, ngunit ang taong marunong ay nakikinig sa payo. Ang hangal ay madaling magalit, ngunit ang taong maalam ay hindi pinapansin ang pang-iinsulto sa kanya. Ang tapat na saksi ay nagsasabi ng katotohanan, ngunit ang hindi tapat na saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan. Ang pabigla-biglang salita ay nakakasugat ng damdamin, ngunit ang magandang salita ay nagpapagaling. Ang katotohanan ay mananatili kailanman, ngunit hindi magtatagal ang kasinungalingan. Pandaraya ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng masama, ngunit kagalakan ang nasa puso ng mga taong naghahangad ng kapayapaan. Walang mangyayaring masama sa taong matuwid, ngunit ang masasamâ, pawang kaguluhan ang mararanasan. Nasusuklam ang PANGINOON sa mga nagsasabi ng kasinungalingan, ngunit nalulugod siya sa nagsasabi ng katotohanan.
Basahin Kawikaan 12
Makinig sa Kawikaan 12
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Kawikaan 12:1-22
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas