Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 1:1-19

Kawikaan 1:1-19 ASD

Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel. Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito, magkakaroon ka ng karunungan, maitutuwid ang iyong ugali at iyong mauunawaan ang mga aral na sa iyoʼy magbibigay karunungan. Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan. Makapagbibigay ito ng karunungan sa mga walang kaalaman at sa kabataaʼy magtuturo ng tamang pagpapasya. Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa sa pag-unawa sa kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong. Ang pagkatakot sa PANGINOON ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal, walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan. Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang, dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kuwintas. Anak, huwag kang padadala sa panghihikayat ng mga taong makasalanan. Huwag kang sasáma kapag sinabi nilang, “Halika, sumáma ka sa amin! Bilang katuwaan, mag-abang tayo ng papatayin, manambang tayo ng inosente. Kahit nasa kasibulan pa ng kanilang buhay, patayin natin sila upang matulad sila sa mga taong pumunta sa lugar ng mga patay. Makakakuha tayo sa kanila ng mga mamahaling ari-arian, at pupunuin natin ang ating mga bahay ng ating mga nasamsam. Sige na, sumáma ka na sa amin, at paghahatian natin ang ating mga nasamsam.” Anak, huwag kang sumáma sa kanila; iwasan mo sila. Sapagkat mabilis sila sa paggawa ng masama at sa pagpatay ng tao. Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag kung ang ibong iyong huhulihin ay nakatingin. Ngunit ang taong masasama, hindi nila alam na sila rin ang magiging biktima ng ginagawa nila. Ganyan ang mangyayari sa mga taong ang ari-arian ay nakuha sa masamang paraan. Mamamatay sila sa ganoon ding paraan.