Mga Bilang 24:1-25
Mga Bilang 24:1-25 ASD
Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng PANGINOON na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa. Narinig ko ang salita ng Diyos, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Diyos na Makapangyarihan. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin. Ito ang aking mensahe: ‘Anong ganda ng inyong mga toldang tinitirhan ng mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob. Katulad ito ng mga nakahanay na palma, o ng mga tanim sa tabing-ilog. Katulad din ito ng puno ng aloe na itinanim ng PANGINOON, o ng mga puno ng sedro sa tabi ng tubig. Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan, at nagtatanim sila ng buto sa mga lupang sagana sa tubig. Ang kanilang hari ay magiging mas nakahihigit pa kaysa kay Agag na hari ng Amalekita, at ang kanilang kaharian ay magiging tanyag. Inilabas sila ng Diyos sa Ehipto; para sa kanila, katulad siya ng isang malakas na toro. Lulupigin nila ang kanilang mga kaaway; tutuhugin sa tulis ng pana at dudurugin ang kanilang mga buto. Katulad sila ng mga leon na kapag nakatulog na ay wala nang mangangahas pang gumising sa kanila. Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila.’ ” Dahil dito, naging matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, ngunit hindi pumayag ang PANGINOON na matanggap mo ang bayad.” Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng PANGINOON sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, ngunit bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.” Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang propesiyang ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa. Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Diyos, at nakakita ako ng pangitain mula sa Diyos na Makapangyarihan. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin: “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap ay mamamahala ang isang hari sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag ding Seir, habang tumatatag ang Israel. Mamumuno ang isang pinuno sa Israel at ibabagsak niya ang mga natirang buháy sa lungsod ng Moab.” Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya: “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, ngunit sa huli, babagsak ito.” Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Cineo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakatayo ito sa mga bato ngunit babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.” At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag! Sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Diyos? Darating ang mga barko mula sa Kitim at sasakupin nila ang mga mamamayan ng Asiria at ng Eber, ngunit babagsak din ang Kitim.” Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.

