Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Bilang 20:1-12

Mga Bilang 20:1-12 ASD

Sa unang buwan ng taon, dumating ang lahat ng mga mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin, at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay si Miriam at inilibing. Walang tubig doon, kaya nagkaisa na naman ang mga tao laban kina Moises at Aaron. Nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Mabuti pang namatay na lang kami kasama ng mga kababayan naming namatay noon sa presensya ng PANGINOON. Bakit mo dinala ang mga mamamayan ng PANGINOON dito sa disyerto? Para ba mamatay kami kasama ng aming mga alagang hayop? Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Ehipto at dinala dito sa walang kuwentang lugar na kahit trigo, igos, ubas o pomegranata ay wala? At walang tubig na maiinom!” Kaya iniwan nina Moises at Aaron ang mga mamamayan, at nagpunta sila sa Toldang Tipanan at nagpatirapa sila. Pagkatapos, nagpakita sa kanila ang makapangyarihang kaluwalhatian ng PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Kunin mo ang iyong tungkod at tipunin ninyo ni Aaron ang lahat ng mga mamamayan. At habang nakatingin sila, utusan mo ang bato na maglabas ng tubig, at magpapaagos ito ng tubig. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ninyo ng tubig ang mamamayan para makainom sila at ang kanilang mga hayop.” Kaya kinuha ni Moises ang tungkod sa harapan ng PANGINOON, doon sa may Toldang Tipanan, ayon sa iniutos ng PANGINOON sa kanya. Pagkatapos, tinipon nina Aaron ang lahat ng mga mamamayan sa harapan ng bato, at sinabi ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga suwail, dapat ba namin kayong bigyan ng tubig mula sa batong ito?” Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang baston, pinalo ng dalawang beses ang bato, at bumulwak ang tubig mula dito, at uminom ang lahat ng mga mamamayan at ang kanilang mga hayop. Ngunit sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron, “Dahil sa hindi kayo naniwala sa akin na ipapakita ko sa inyo ang aking kabanalan sa harap ng mga Israelita, hindi kayo ang mamumuno sa pagdadala ng mga mamamayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”