Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Bilang 11:10-35

Mga Bilang 11:10-35 ASD

Narinig ni Moises ang reklamo ng bawat pamilya sa pintuan ng kanilang mga tolda. Kaya nagalit nang matindi ang PANGINOON sa kanila, at dahil ditoʼy nabahala si Moises. Nagtanong siya sa PANGINOON, “Bakit nʼyo po ako binigyan na inyong lingkod ng malaking problema? Ano po ba ang ginawa ko na hindi kayo natuwa kaya ibinigay ninyo sa akin ang problema ng mga taong ito? Ako ba ang nagbuntis sa kanila? Ako ba ang nagsilang sa kanila para sabihin ninyong kargahin ko sila katulad ng pagkarga ng isang yaya sa alaga niyang bata, at dalhin sila sa lupaing ipinangako ninyo sa kanilang mga ninuno? Saan po ba ako kukuha ng karne para sa mga taong ito? Dahil patuloy ang pagrereklamo nila sa akin na bigyan ko sila ng karneng makakain nila. Hindi ko po sila kayang alagaang lahat nang mag-isa. Napakahirap nito para sa akin. Kung ganito lang po ang pagtrato ninyo sa akin, patayin nʼyo na lang ako ngayon. Kung nalulugod kayo sa akin, huwag ninyo akong pabayaang magdusa.” Kaya sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Tipunin mo ang pitumpu sa mga tagapamahala ng Israel na kilalang-kilala mo na mga pinuno ng mga mamamayan, at papuntahin sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila doon kasama mo. Bababa ako at makikipag-usap sa iyo doon. Kukuha ako ng espiritung nasa iyo at ibabahagi ko sa kanila upang makatulong sila sa pamamahala ng mga tao para hindi lang ikaw mag-isa ang namamahala. “Pagkatapos, sabihin mo sa mga tao: ‘Linisin ninyo ang inyong sarili dahil bukas, may makakain na kayong karne.’ Narinig ng PANGINOON ang inyong mga reklamo, ‘Kung may karne sana tayong kakainin! Mas mabuti pa ang buhay natin sa Ehipto!’ Kaya bukas, bibigyan kayo ng Diyos ng karne at makakakain kayo. Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o sampu, o dalawampung araw ang pagkain ninyo nito, kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ang PANGINOON na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa kanya na sinasabi, ‘Sanaʼy hindi na lang kami umalis sa Ehipto.’ ” Ngunit sumagot si Moises sa PANGINOON, “Ang lahat ng taong kasama ko ay nasa 600,000, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan? Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.” Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “May hangganan ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.” Kaya lumakad si Moises at sinabi sa mga tao ang sinabi ng PANGINOON. Tinipon niya ang pitumpung tagapamahala at pinatayo sa palibot ng Tolda. Pagkatapos, bumaba ang PANGINOON sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kumuha siya ng espiritung na kay Moises at ibinahagi sa pitumpung tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta ngunit hindi na ito nangyari pang muli. Ang dalawa sa pitumpung tagapamahala na sina Eldad at Medad ay nagpaiwan sa kampo at hindi pumunta sa Tolda. Ngunit natanggap din nila ang kapangyarihan at nagsalita rin sila na kagaya ng mga propeta. May isang binata na nagtatakbo papunta kay Moises at sinabi na nagsasalita sina Eldad at Medad doon sa kampo na kagaya ng mga propeta. Sinabi ni Josue na anak ni Nun, na naging katulong ni Moises mula noong bata pa ito, “Panginoon, patigilin po ninyo sila.” Ngunit sumagot si Moises, “Nababahala ka ba kung ano ang magiging resulta nito sa aking pagkapinuno? Kung sa akin lang, gusto kong bigyan ng PANGINOON ng kapangyarihan ang lahat ng mamamayan at makapagsalita sila kagaya ng mga propeta.” Pagkatapos, bumalik sa kampo si Moises at ang mga tagapamahala ng Israel. Ngayon, nagpadala ang PANGINOON ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo. Kaya nang araw na iyon at nang sumunod pang araw, nanghuli ang mga tao ng mga pugo araw at gabi. Walang nakakuha nang bababa pa sa isang libong kilong pugo at ibinilad nila ito sa palibot ng kampo. Ngunit habang nginunguya pa nila ang karne at hindi pa nalululon ito, nagalit ang PANGINOON sa kanila, at pinadalhan sila ng salot. Kaya tinawag ang lugar na iyon na Kibrot Hataava dahil doon inilibing ang mga taong matatakaw sa karne. Mula roon, naglakbay ang mga Israelita sa Hazerot, at doon nagkampo.