Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nahum 2:5-13

Nahum 2:5-13 ASD

Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader upang maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. Ang tarangkahan ng mga ilog ay mabubuksan, at ang palasyo ay guguho. Naipahayag na, na bibihagin kayo at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama ngunit wala ni isa mang bumalik. Samsamin ninyo ang pilak! Samsamin ninyo ang ginto! Hindi mauubos ang kayamanan ng Nineve, hindi mabibilang ang mamahaling bagay nila. Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang puwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima. Ngunit ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. Sapagkat sinasabi ng PANGINOON ng mga Hukbo, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal. Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”