Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Hesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. Habang ipinapangaral niya sa kanila ang salita ng Diyos, may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong buhat-buhat ng apat na lalaki. Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Hesus. Kaya binaklas nila ang bahagi ng bubong sa tapat ni Hesus at saka ibinaba ang paralitikong nasa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Bakit siya nagbitaw ng ganyang mga salita? Kalapastanganan ʼyan sa Diyos! Tanging Diyos lamang ang nakakapagpatawad ng kasalanan!”
Alam ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? Ngayon, patutunayan ko sa inyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!”
Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”
Muling pumunta si Hesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito. Habang naglalakad siya, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo. Nakaupo ito sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Hesus.
Habang kumakain si Hesus at ang mga alagad niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kumakaing kasama nila, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Hesus. Nang makita ng mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na kasalo ni Hesus ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan, sinabi nila sa mga alagad niya, “Bakit kumakain siyang kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?”
Narinig iyon ni Hesus kaya sinagot niya ang mga ito, “Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Nang minsang nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at mga Pariseo, may mga taong lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad, hindi tulad ng mga alagad ni Juan at ng mga Pariseo?”
Sumagot si Hesus, “Nag-aayuno ba ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila puwedeng mag-ayuno. Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
Sinabi pa ni Hesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit. Kapag ginawa ito, mahihila ng bagong tela ang damit at lalo pang lalaki ang punit. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”
Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Hesus sa isang triguhan, namitas ng trigo ang mga alagad niya upang kutkutin.