Marcos 14:3-9
Marcos 14:3-9 ASD
Habang si Hesus ay nasa Betania at kumakain sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala itong mamahaling pabangong nasa sisidlang alabastro. Ang pabangong ito ay gawa sa purong nardo. Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Hesus. Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinayang ang pabango? Maipagbibili sana iyon sa halagang katumbas ng isang taóng suweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae. Ngunit sinabi ni Hesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya pinupuna? Mabuti itong ginawa niya sa akin. Ang mga mahihirap ay palagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama. Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, saan mang sulok ng mundo ipangaral ang Magandang Balita, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”





