Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Micas 6:1-8

Micas 6:1-8 ASD

Pakinggan ninyo ang sinasabi ng PANGINOON: “Tumindig kayo at ilahad ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol ang inyong reklamo. “At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng PANGINOON laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan. “Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako. Inilabas ko kayo mula sa Ehipto at iniligtas kayo sa lupain ng pagkaalipin. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam upang pangunahan kayo. Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin ninyo ang inyong paglalakbay mula Shitim hanggang Gilgal kung saan ipinakita sa inyo ang aking katapatan. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito upang malaman ninyong iniligtas kayo ng PANGINOON.” Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa PANGINOON, ang Diyos sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya bilang handog na sinusunog? Matutuwa kaya ang PANGINOON kung hahandugan ko siya ng libo-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?” Hindi! Sinabi na ng PANGINOON kung ano ang mabuti. At ano ang ninanais niya sa inyo? Gawin ang matuwid, pairalin ang pagkamaawain, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Diyos.