Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 5:6-22

Mateo 5:6-22 ASD

Pinagpala ang mga taong labis na naghahangad na tuparin ang kalooban ng Diyos, sapagkat silaʼy masisiyahan. Pinagpala ang mga taong mahabagin, sapagkat kahahabagan din sila ng Diyos. Pinagpala ang mga taong may busilak na kalooban sapagkat makikita nila ang Diyos. Pinagpala ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, sapagkat ituturing silang mga anak ng Diyos. Pinagpala ang mga taong inuusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng Langit. “Pinagpala kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan. Magalak kayo at matuwa sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Alalahanin ninyo, inusig din ang mga propeta noon. “Kayo ang asin ng mundo. Mabuti ang asin, pero kung itoʼy mawalan ng lasa, wala nang magagawa para maibalik ang alat nito. Wala na itong pakinabang kaya itatapon na lang at tatapak-tapakan ng mga tao. “Kayo ang ilaw ng mundo na hindi maikukubli, katulad ng isang lungsod na nasa tuktok ng burol. Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ito ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw upang makita ito ng lahat. Sa gayon, masaksihan nila ang inyong mga mabubuting gawa at luluwalhatiin nila ang inyong Amang nasa langit. “Huwag nʼyong isiping naparito ako para ipawalang-bisa ang Kautusan ni Moises o ang isinulat ng mga propeta. Sa halip, naparito ako para isakatuparan ang mga ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo ang totoo, hanggaʼt hindi naglalaho ang lupa at kalangitan, hindi rin maglalaho kahit isang tuldok o kudlit sa Kautusan hanggaʼt ang lahat ng itoʼy maisakatuparan. Kaya ang sinumang lumabag sa kahit pinakamaliit na bahagi ng Kautusan, at magturo sa iba na lumabag din ay ituturing na pinakahamak sa kaharian ng Langit. Ngunit ang sinumang sumusunod sa Kautusan, at magturo sa iba na sumunod din ay ituturing na dakila sa kaharian ng Langit. Kaya tandaan ninyo: Kung hindi ninyo mahihigitan ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Langit. “Narinig ninyong sinabi noon sa ating mga ninuno, ‘Huwag kang papatay, dahil ang sinumang pumatay ay lilitisin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang sinumang may galit sa kanyang kapatid ay lilitisin. At ang sinumang manlait sa kanyang kapatid ay ihaharap sa Sanhedrin. Gayundin ang sinumang mang-aalipusta ay itatapon sa apoy ng impiyerno.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 5:6-22