Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 5:1-14

Mateo 5:1-14 ASD

Nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Lumapit sa kanya ang mga alagad niya, at nagsimula siyang mangaral. Sinabi niya, “Pinagpala ang mga taong umaaming may pagkukulang sila sa harapan ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng Langit. Pinagpala ang mga naghihinagpis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. Pinagpala ang mga taong mapagpakumbaba, sapagkat sila ang magmamana sa buong daigdig. Pinagpala ang mga taong labis na naghahangad na tuparin ang kalooban ng Diyos, sapagkat silaʼy masisiyahan. Pinagpala ang mga taong mahabagin, sapagkat kahahabagan din sila ng Diyos. Pinagpala ang mga taong may busilak na kalooban sapagkat makikita nila ang Diyos. Pinagpala ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, sapagkat ituturing silang mga anak ng Diyos. Pinagpala ang mga taong inuusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng Langit. “Pinagpala kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan. Magalak kayo at matuwa sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Alalahanin ninyo, inusig din ang mga propeta noon. “Kayo ang asin ng mundo. Mabuti ang asin, pero kung itoʼy mawalan ng lasa, wala nang magagawa para maibalik ang alat nito. Wala na itong pakinabang kaya itatapon na lang at tatapak-tapakan ng mga tao. “Kayo ang ilaw ng mundo na hindi maikukubli, katulad ng isang lungsod na nasa tuktok ng burol.