Mateo 27:1-7
Mateo 27:1-7 ASD
Kinaumagahan, nagplano ang lahat ng namamahalang pari at mga pinuno ng mga Hudyo kung paano nila maipapatay si Hesus. Kaya iginapos nila si Hesus at dinala kay Gobernador Pilato. Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Hesus, labis siyang nagsisi sa kanyang ginawa kaya isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil pinagkanulo ko ang isang taong walang kasalanan.” Ngunit sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” Itinapon ni Judas sa Templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo, dahil bayad ito sa buhay ng isang tao.” Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan para sa mga dayuhan.


