Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 26:31-75

Mateo 26:31-75 ASD

Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Iiwan ninyo akong lahat ngayong gabi, dahil sinabi ng Diyos sa Kasulatan: ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hinding-hindi ko po kayo iiwan.” Sinagot siya ni Hesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Sinabi ni Pedro, “Hinding-hindi ko po kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad. Pagkatapos, pumunta si Hesus kasama ang mga alagad niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemani. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon para manalangin.” Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Hesus, at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at samahan ninyo akong magpuyat.” Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa at nanalangin, “Aking Ama, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban ninyo.” Binalikan ni Hesus ang kanyang mga alagad at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagbantay kasama ko kahit isang oras lang? Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.” Lumayong muli si Hesus at nanalangin, “Aking Ama, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy masunod ang kalooban ninyo.” Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. Lumayo ulit si Hesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. Binalikan niya ang mga alagad niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang taong magkakanulo sa akin.” Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama na may dalang mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” Lumapit si Judas kay Hesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Rabbi!” saka hinalikan siya. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Hesus. Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. Hindi mo ba alam na puwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng labindalawang batalyon ng mga anghel? Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw akong nasa Templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako doon dinakip? Ngunit nangyari ang lahat ng ito para matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga alagad niya at nagsitakas sila. Dinala si Hesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ng punong pari na si Caifas. Doon ay nagkatipon-tipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng mga Hudyo. Sumunod din si Pedro doon, ngunit malayo-layo siya kay Hesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardiya para malaman kung ano ang mangyayari kay Hesus. Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya kahit hindi totoo laban kay Hesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Ngunit wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan. Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang Templo ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.” Tumayo ang punong pari at tinanong si Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?” Hindi sumagot si Hesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buháy na Diyos, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Mesias, ang Anak ng Diyos?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos. At makikita rin ninyo siyang dumarating mula sa ulap.” Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Diyos! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Diyos! Ano ngayon ang hatol ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” Dinuraan nila si Hesus sa mukha at binugbog. Sinampal naman siya ng iba, at sinabi, “Kung ikaw ang Mesias, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!” Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran ng punong pari, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Hesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.” Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Hesus na taga-Nazaret.” Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!” Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Hesus, dahil halata sa pagsasalita mo.” Sumagot si Pedro, “Sumusumpa akong kahit parusahan pa ako ng Diyos, hindi ko kilala ang taong ʼyan!” Noon din ay tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.