Mateo 26
26
Ang Planong Pagpatay kay Hesus
(Mar. 14:1‑2; Luc. 22:1‑2; Juan 11:45‑53)
1Pagkatapos ipangaral ni Hesus ang lahat nang ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 2“Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel,#26:2 Pista ng Paglampas ng Anghel: Tingnan sa Exo. 12:1‑30 kung paano nagsimula ang pistang ito. at ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa kanya para ipako sa krus.”
3Sa mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Hudyo ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. 4Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Hesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. 5Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Hesus
(Mar. 14:3‑9; Juan 12:1‑8)
6Habang si Hesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabangong nasa sisidlang alabastro. At habang kumakain si Hesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Hesus.
8Nagalit ang mga alagad ni Hesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9Maibebenta sana ʼyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.”
10Ngunit alam ni Hesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11Ang mga mahihirap ay palagi ninyong makakasama, ngunit ako ay hindi. 12Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa aking libing. 13Sinasabi ko sa inyo ang totoo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, dooʼy ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Ipinagkanulo ni Judas si Hesus
(Mar. 14:10‑11; Luc. 22:3‑6)
14Si Judas Iscariote na isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Hesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon para ipagkanulo si Hesus.
Ang Huling Hapunan
(Mar. 14:12‑22; Luc. 22:7‑14, 21‑23; Juan 13:21‑30)
17Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad ni Hesus at nagtanong, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?”
18Sumagot si Hesus, “Pumunta kayo sa Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinasasabi ng Guro: Ang aking oras ay malapit na. Ako at aking mga alagad ay maghahapunan para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay.’ ” 19Sinunod nila ang utos ni Hesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa Pista.
20Kinagabihan, naghapunan si Hesus at ang kanyang labindalawang alagad. 21Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.”
22Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?”
23Sumagot siya, “Ang kasabay kong magsasawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24Ang Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”
25Nagtanong din si Judas na siyang magkakanulo sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?”
Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
26Habang kumakain sila, kumuha si Hesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga alagad niya. Sinabi niya, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.”
27Kumuha siya ng kopang may alak, nagpasalamat sa Diyos, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito, 28dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong kasunduan ng Diyos sa mga tao. 29Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng kaharian ng aking Ama. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong uri ng inumin kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
30Umawit sila ng papuri sa Diyos, at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Hesus na Ikakaila Siya ni Pedro
(Mar. 14:27‑31; Luc. 22:31‑34; Juan 13:36‑38)
31Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Iiwan ninyo akong lahat ngayong gabi, dahil sinabi ng Diyos sa Kasulatan:
‘Papatayin ko ang pastol
at magsisipangalat ang mga tupa.’#26:31 Zac. 13:7.
32Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
33Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hinding-hindi ko po kayo iiwan.”
34Sinagot siya ni Hesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
35Sinabi ni Pedro, “Hinding-hindi ko po kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad.
Nanalangin si Hesus sa Getsemani
(Mar. 14:32‑42; Luc. 22:39‑46)
36Pagkatapos, pumunta si Hesus kasama ang mga alagad niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemani. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon para manalangin.” 37Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Hesus, 38at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at samahan ninyo akong magbantay.”
39Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa at nanalangin, “Aking Ama, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap#26:39 ang mga paghihirap na darating: Sa literal, kopa. Ganito rin sa talata 42|MAT 26:42. na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban ninyo.”
40Binalikan ni Hesus ang kanyang mga alagad at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagbantay kasama ko kahit isang oras lang? 41Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”
42Lumayong muli si Hesus at nanalangin, “Aking Ama, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy masunod ang kalooban ninyo.”
43Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. 44Lumayo ulit si Hesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin.
45Binalikan niya ang mga alagad niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. 46Tayo na! Narito na ang taong magkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Hesus
(Mar. 14:43‑50; Luc. 22:47‑53; Juan 18:3‑12)
47Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama na may dalang mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo. 48Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” 49Lumapit si Judas kay Hesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Guro!” saka hinalikan siya.
50Sinabi ni Hesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.”
Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Hesus. 51Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito.
52Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. 53Hindi mo ba alam na puwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng labindalawang batalyon ng mga anghel? 54Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?”
55Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw akong nasa Templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako doon dinakip? 56Ngunit nangyari ang lahat ng ito para matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga alagad niya at nagsitakas sila.
Dinala si Hesus sa harap ng Sanhedrin
(Mar. 14:53‑63; Luc. 22:54‑55, 63‑71; Juan 18:13‑14, 19‑24)
57Dinala si Hesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ng punong pari na si Caifas. Doon ay nagkatipon-tipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng mga Hudyo. 58Sumunod din si Pedro doon, ngunit malayo-layo siya kay Hesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardiya para malaman kung ano ang mangyayari kay Hesus.
59Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya kahit hindi totoo laban kay Hesus upang mahatulan siya ng kamatayan. 60Ngunit wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan.
Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit 61at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang Templo ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.”
62Tumayo ang punong pari at tinanong si Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?” 63Hindi sumagot si Hesus.
Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buháy na Diyos, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Mesias, ang Anak ng Diyos?”
64Sumagot si Hesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos. At makikita rin ninyo siyang dumarating mula sa ulap.”
65Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Diyos! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Diyos! 66Ano ngayon ang hatol ninyo?”
Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.”
67Dinuraan nila si Hesus sa mukha at binugbog. Sinampal naman siya ng iba, 68at sinabi, “Kung ikaw ang Mesias, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Ikinaila ni Pedro si Hesus
(Mar. 14:66‑72; Luc. 22:56‑62; Juan 18:15‑18, 25‑27)
69Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran ng punong pari, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Hesus na taga-Galilea, hindi ba?”
70Ngunit itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.”
71Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Hesus na taga-Nazaret.”
72Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!”
73Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Hesus, dahil halata sa pagsasalita mo.”
74Sumagot si Pedro, “Sumusumpa akong kahit parusahan pa ako ng Diyos, hindi ko kilala ang taong ʼyan!”
Noon din ay tumilaok ang manok, 75at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Kasalukuyang Napili:
Mateo 26: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.