Mateo 26:1-56
Mateo 26:1-56 ASD
Pagkatapos ipangaral ni Hesus ang lahat nang ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel, at ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa kanya para ipako sa krus.” Sa mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Hudyo ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Hesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.” Habang si Hesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabangong nasa sisidlang alabastro. At habang kumakain si Hesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Hesus. Nagalit ang mga alagad ni Hesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? Maibebenta sana ʼyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” Ngunit alam ni Hesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. Ang mga mahihirap ay palagi ninyong makakasama, ngunit ako ay hindi. Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa aking libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, dooʼy ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote na isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga namamahalang pari. Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Hesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon para ipagkanulo si Hesus. Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad ni Hesus at nagtanong, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” Sumagot si Hesus, “Pumunta kayo sa Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinasasabi ng Guro: Ang aking oras ay malapit na. Ako at aking mga alagad ay maghahapunan para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay.’ ” Sinunod nila ang utos ni Hesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa Pista. Kinagabihan, naghapunan si Hesus at ang kanyang labindalawang alagad. Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.” Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong magsasawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Ang Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” Nagtanong din si Judas na siyang magkakanulo sa kanya, “Rabbi, ako po ba iyon?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.” Habang kumakain sila, kumuha si Hesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga alagad niya. Sinabi niya, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” Kumuha siya ng kopang may alak, nagpasalamat sa Diyos, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito, dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong kasunduan ng Diyos sa mga tao. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng kaharian ng aking Ama. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong uri ng inumin kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” Umawit sila ng papuri sa Diyos, at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Iiwan ninyo akong lahat ngayong gabi, dahil sinabi ng Diyos sa Kasulatan: ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hinding-hindi ko po kayo iiwan.” Sinagot siya ni Hesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Sinabi ni Pedro, “Hinding-hindi ko po kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad. Pagkatapos, pumunta si Hesus kasama ang mga alagad niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemani. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon para manalangin.” Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Hesus, at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at samahan ninyo akong magpuyat.” Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa at nanalangin, “Aking Ama, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban ninyo.” Binalikan ni Hesus ang kanyang mga alagad at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagbantay kasama ko kahit isang oras lang? Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.” Lumayong muli si Hesus at nanalangin, “Aking Ama, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy masunod ang kalooban ninyo.” Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. Lumayo ulit si Hesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. Binalikan niya ang mga alagad niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang taong magkakanulo sa akin.” Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama na may dalang mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” Lumapit si Judas kay Hesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Rabbi!” saka hinalikan siya. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Hesus. Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. Hindi mo ba alam na puwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng labindalawang batalyon ng mga anghel? Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw akong nasa Templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako doon dinakip? Ngunit nangyari ang lahat ng ito para matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga alagad niya at nagsitakas sila.

