Malapit na sina Hesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Hesus ang dalawa sa kanyang alagad at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon, makikita ninyo ang isang asno na nakatali, kasama ang anak nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.”
Nangyari ito para matupad ang sinabi ng propeta:
“Sabihin ninyo sa mga taga-Zion,
‘Makinig kayo!
Paparating na ang inyong hari!
Mapagpakumbaba siya,
at darating na nakasakay sa asno,
sa isang bisirong asno.’ ”
Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Hesus. Dinala nila ang asno at ang anak nito kay Hesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Hesus. Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. Ang mga tao sa unahan ni Hesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,
“Purihin ang Anak ni David!”
“Pinagpala ang dumarating
sa ngalan ng Panginoon!”
“Papuri sa Diyos sa kaitaasan!”
Nang pumasok si Hesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?”
Sumagot ang mga kasama ni Hesus, “Siya ang propetang si Hesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Diyos sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan.’ Ngunit ginawa ninyong ‘pugad ng mga tulisan!’”
May mga bulag at pilay na lumapit kay Hesus doon sa Templo, at pinagaling niya silang lahat. Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Hesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa Templo ng, “Purihin ang Anak ni David!”
Sinabi nila kay Hesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?”
Sumagot si Hesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinasabi ng Kasulatan? Sinabi doon,
Kahit ang mga bata at sanggol
ay tinuruan ng Diyos na magpuri sa kanya.”
Pagkatapos, iniwan sila ni Hesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Kinaumagahan, habang pabalik na sina Hesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” At agad na natuyo ang puno.
Namangha ang mga alagad ni Hesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?”
Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. Anumang hilingin ninyo sa Diyos sa panalangin ay matatanggap ninyo kung may pananampalataya kayo.”