Nang oras ding iyon, lumapit kay Hesus ang kanyang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Hesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbabago at magiging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Langit. Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maski isa sa maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian ng gilingang bato sa leeg at lunurin sa pusod ng dagat. “Nakakaawa ang mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng pagkakasala ng mga tao. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. Kaya nga, kung ang kamay o paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon. Mas mainam pang isa lang ang kamay o paa mo ngunit mayroon kang buhay na walang hanggan, kaysa sa dalawa ang kamay o paa mo ngunit itatapon ka naman sa walang hanggang apoy. At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang isa lang ang iyong mata ngunit mayroon kang buhay na walang hanggan, kaysa sa dalawa nga ang iyong mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno. “Tiyakin ninyong hindi nʼyo hahamakin ang kahit isa sa maliliit na batang ito, dahil tandaan nʼyo: Ang mga anghel na nagbabantay sa kanila ay laging nasa harapan ng aking Ama sa langit. [
Basahin Mateo 18
Makinig sa Mateo 18
Ibahagi
“Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may isang daang tupa at nawala ang isa, hindi baʼt iiwan niya ang siyamnapuʼt siyam sa burol at hahanapin ang nawawala? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa siyamnapuʼt siyam na hindi nawala. Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mapahamak ang kahit isa sa maliliit na batang ito. “Kung magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Pagsabihan mo siya tungkol sa ginawa niya. Kung makikinig siya sa iyo, magkakaayos kayong muli at mapapanumbalik ang inyong magandang samahan. Subalit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pa upang ang lahat ng mapag-usapan ay mapapatotohanan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, ipaalam ito sa iglesya, at kung pati sa iglesya ay ayaw niyang makinig, ituring ninyo siya bilang isang taong hindi kumikilala sa Diyos o isang tiwaling maniningil ng buwis. “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anuman ang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit. “Sinasabi ko rin sa inyo na kung magkasundo ang dalawa sa inyo rito sa mundo na ipanalangin ang anumang bagay, ipagkakaloob ito ng aking Amang nasa langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, kasama nila ako.”
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 18:1-10, 12-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas