Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 12:1-14

Mateo 12:1-14 ASD

Isang Araw ng Pamamahinga, naglalakad sina Hesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga alagad kaya namitas sila ng trigo at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Hesus, “Tingnan mo ang mga alagad mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain nila ng mga kasamahan niya ang tinapay na inihandog sa Diyos kahit na labag sa Kautusan na kainin iyon ninuman maliban sa mga pari. At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa Templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa kautusan ng Araw ng Pamamahinga, ngunit hindi sila nagkasala. Sinasabi ko sa inyo: May naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa Templo. Sapagkat ang Anak ng Tao ang siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.” Mula sa lugar na iyon, pumunta si Hesus sa sinagoga at may lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Hesus, kaya tinanong nila si Hesus, “Ipinapahintulot ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Halimbawa, may tupa kayong nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Hindi ba ninyo iaahon? Higit pang mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya nga ipinapahintulot sa Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga niya ang kanyang kamay at gumaling ito. Ngunit umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Hesus.