Lucas 7:1-50
Lucas 7:1-50 ASD
Pagkatapos ipangaral ni Hesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may katiwalang malubha ang sakit at nag-aagaw-buhay na. Mahal niya ang katiwalang ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Hesus, nagsugo siya ng ilang pinuno ng mga Hudyo upang pakiusapan si Hesus na puntahan at pagalingin ang kanyang katiwala. Pagdating nila kay Hesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Karapat-dapat po siyang tulungan ninyo, dahil mahal niya tayong mga Hudyo at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.” Kaya sumáma sa kanila si Hesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, nagsugo ito ng ilang kaibigan niya para salubungin si Hesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo sa aking tahanan. At hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sa halip, iutos nʼyo lamang na gumaling ang aking katiwala at siyaʼy gagaling. Alam ko po ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may mga sundalo ring nasa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi ko naman sa isa pa, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ ginagawa niya.” Nang marinig ito ni Hesus, namangha siya sa kapitan. Humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit na sa Israel ay hindi pa ako nakakakita ng ganito kalalim na pananampalataya.” Nang makabalik na sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang katiwala. Pagkatapos, pumunta si Hesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang may inilalabas na patay para ilibing. Kaisa-isa siyang anak ng isang biyuda, at maraming tao mula sa bayan ang sumáma sa prusisyon. Pagkakita ng Panginoon sa biyuda, nahabag siya dito at sinabi, “Huwag kang umiyak.” Nilapitan ni Hesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay at tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Hesus, “Binata, inuutusan kita, bumangon ka!” Umupo nga ang binata at nagsimulang magsalita. At ibinigay siya ni Hesus sa kanyang ina. Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Diyos. Sinabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta!” at “Dumalaw ang Panginoon upang tayoʼy tulungan!” At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Hesus. Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan na Tagapagbautismo ng kanyang mga alagad. Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga alagad niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Hesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na Tagapagbautismo para itanong sa inyo kung kayo na ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Hesus na mga maysakit sa ibaʼt ibang uri ng karamdaman, at mga sinasapian ng masasamáng espiritu. Marami din siyang pinagaling na mga bulag. Kaya sinabi niya sa mga alagad ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita na ang mga bulag, nakakalakad na ang mga lumpo, gumaling na ang mga may malubhang sakit sa balat, at nakakarinig na ang mga bingi. Muling binuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang sinumang hindi nagdududa sa akin.” Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng tambo na hinihipan ng hangin? Kung hindi, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong nakasuot ng magarang damit? Ang mga taong nakasuot ng magagarang damit at namumuhay nang marangya ay matatagpuan sa palasyo. Kung ganoon, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang propeta? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. Siya ang tinutukoy sa Kasulatan: ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’ Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Diyos ay mas dakila pa sa kanya.” Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Hesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Diyos, dahil nagpabautismo sila kay Juan. Ngunit ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan. Sinabi pa ni Hesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa palengke at sinasabi sa kanilang kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng masayang tugtugin, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa pero hindi kayo umiyak!’ Sapagkat noong dumating si Juan na Tagapagbautismo ay nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian siya ng demonyo.’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, at nakita ninyo siyang kumakain at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa buhay ng mga sumusunod rito.” Inanyayahan si Hesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta nga si Hesus at umupo para kumain. Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Lumapit siya sa likuran ni Hesus sa bandang paanan at umiyak. Binasa niya ng luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango. Nang makita iyon ng Pariseong nag-imbita kay Hesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam dapat niyang ang babaeng humahawak sa kanya ay makasalanan.” Sumagot si Hesus, “Simon, may sasabihin ako saʼyo.” Sabi ni Simon, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang lalaking nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isaʼy umutang sa kanya ng limandaan, at ang isa namaʼy limampu. Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang higit na magmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Hesus. Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Noong pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na panghugas sa paa ko. Ngunit ang babaeng ito, sariling luha niya ang ipinanghugas sa mga paa ko at ang buhok pa niya ang ipinampunas dito. Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang dumating ako, wala siyang tigil sa paghalik sa mga paa ko. Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatawad na ang marami niyang kasalanan, kaya siya nagpapakita ng malaking pagmamahal sa akin. Ngunit ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad, kaunti rin ang pagmamahal na ipinapakita niya.” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino ba ang taong ito para magpatawad ng kasalanan?” Sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”


