Lucas 7:1-50 - Compare All Versions
Lucas 7:1-50 RTPV05 (Magandang Balita Bible (Revised))
Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.” Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.” Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin. Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag ka nang umiyak.” Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!” Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina. Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus. Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin. Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin? Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan: ‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo, upang ihanda ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila. Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!’ Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.” Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag. Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro. Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango. Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Ano po iyon, Guro?” sagot niya. Kaya't nagpatuloy si Jesus, “May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok. Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal.” At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”
Lucas 7:1-50 ASD (Ang Salita ng Diyos)
Pagkatapos ipangaral ni Hesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may katiwalang malubha ang sakit at nag-aagaw-buhay na. Mahal niya ang katiwalang ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Hesus, nagsugo siya ng ilang pinuno ng mga Hudyo upang pakiusapan si Hesus na puntahan at pagalingin ang kanyang katiwala. Pagdating nila kay Hesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Karapat-dapat po siyang tulungan ninyo, dahil mahal niya tayong mga Hudyo at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.” Kaya sumáma sa kanila si Hesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, nagsugo ito ng ilang kaibigan niya para salubungin si Hesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo sa aking tahanan. At hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sa halip, iutos nʼyo lamang na gumaling ang aking katiwala at siyaʼy gagaling. Alam ko po ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may mga sundalo ring nasa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi ko naman sa isa pa, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ ginagawa niya.” Nang marinig ito ni Hesus, namangha siya sa kapitan. Humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit na sa Israel ay hindi pa ako nakakakita ng ganito kalalim na pananampalataya.” Nang makabalik na sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang katiwala. Pagkatapos, pumunta si Hesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang may inilalabas na patay para ilibing. Kaisa-isa siyang anak ng isang biyuda, at maraming tao mula sa bayan ang sumáma sa prusisyon. Pagkakita ng Panginoon sa biyuda, nahabag siya dito at sinabi, “Huwag kang umiyak.” Nilapitan ni Hesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay at tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Hesus, “Binata, inuutusan kita, bumangon ka!” Umupo nga ang binata at nagsimulang magsalita. At ibinigay siya ni Hesus sa kanyang ina. Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Diyos. Sinabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta!” at “Dumalaw ang Panginoon upang tayoʼy tulungan!” At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Hesus. Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan na Tagapagbautismo ng kanyang mga alagad. Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga alagad niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Hesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na Tagapagbautismo para itanong sa inyo kung kayo na ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Hesus na mga maysakit sa ibaʼt ibang uri ng karamdaman, at mga sinasapian ng masasamáng espiritu. Marami din siyang pinagaling na mga bulag. Kaya sinabi niya sa mga alagad ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita na ang mga bulag, nakakalakad na ang mga lumpo, gumaling na ang mga may malubhang sakit sa balat, at nakakarinig na ang mga bingi. Muling binuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang sinumang hindi nagdududa sa akin.” Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng tambo na hinihipan ng hangin? Kung hindi, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong nakasuot ng magarang damit? Ang mga taong nakasuot ng magagarang damit at namumuhay nang marangya ay matatagpuan sa palasyo. Kung ganoon, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang propeta? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. Siya ang tinutukoy sa Kasulatan: ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’ Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Diyos ay mas dakila pa sa kanya.” Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Hesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Diyos, dahil nagpabautismo sila kay Juan. Ngunit ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan. Sinabi pa ni Hesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa palengke at sinasabi sa kanilang kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng masayang tugtugin, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa pero hindi kayo umiyak!’ Sapagkat noong dumating si Juan na Tagapagbautismo ay nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian siya ng demonyo.’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, at nakita ninyo siyang kumakain at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa buhay ng mga sumusunod rito.” Inanyayahan si Hesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta nga si Hesus at umupo para kumain. Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Lumapit siya sa likuran ni Hesus sa bandang paanan at umiyak. Binasa niya ng luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango. Nang makita iyon ng Pariseong nag-imbita kay Hesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam dapat niyang ang babaeng humahawak sa kanya ay makasalanan.” Sumagot si Hesus, “Simon, may sasabihin ako saʼyo.” Sabi ni Simon, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang lalaking nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isaʼy umutang sa kanya ng limandaan, at ang isa namaʼy limampu. Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang higit na magmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Hesus. Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Noong pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na panghugas sa paa ko. Ngunit ang babaeng ito, sariling luha niya ang ipinanghugas sa mga paa ko at ang buhok pa niya ang ipinampunas dito. Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang dumating ako, wala siyang tigil sa paghalik sa mga paa ko. Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatawad na ang marami niyang kasalanan, kaya siya nagpapakita ng malaking pagmamahal sa akin. Ngunit ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad, kaunti rin ang pagmamahal na ipinapakita niya.” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino ba ang taong ito para magpatawad ng kasalanan?” Sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”
Lucas 7:1-50 MBB05 (Magandang Balita Biblia (2005))
Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.” Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.” Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin. Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag ka nang umiyak.” Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!” Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina. Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus. Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin. Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin? Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan: ‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo, upang ihanda ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila. Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!’ Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.” Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag. Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro. Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango. Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Ano po iyon, Guro?” sagot niya. Kaya't nagpatuloy si Jesus, “May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok. Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal.” At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”
Lucas 7:1-50 TLAB (Ang Biblia)
Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum. At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay. At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin. At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito; Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga. At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan: Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin. Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa. At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man. At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin. At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao. At nang siya nga'y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya'y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan. At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya'y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis. At siya'y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka. At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay niya sa kaniyang ina. At sinidlan ng takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan. At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain. At ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito. At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag. At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin. At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin? Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari. Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma'y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya. At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay pinatotohanan ang Dios, na nagsipagbautismo ng bautismo ni Juan. Datapuwa't pinawalang halaga ng mga Fariseo at ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya. Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad? Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis. Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio. Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak. At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang. At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento, At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento. Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan. At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo. Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu. Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya? Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo. At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok. Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa. Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig. At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan. At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan? At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
Lucas 7:1-50 ABTAG (Ang Biblia (1905/1982))
Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum. At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay. At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin. At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito; Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga. At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan: Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin. Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa. At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man. At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin. At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao. At nang siya nga'y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya'y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan. At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya'y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis. At siya'y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka. At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay niya sa kaniyang ina. At sinidlan ng takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan. At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain. At ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito. At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag. At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin. At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin? Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari. Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma'y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya. At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay pinatotohanan ang Dios, na nagsipagbautismo ng bautismo ni Juan. Datapuwa't pinawalang halaga ng mga Fariseo at ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya. Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad? Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis. Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio. Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak. At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang. At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento, At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento. Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan. At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo. Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu. Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya? Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo. At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga paa ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok. Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa. Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig. At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan. At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan? At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.