Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberio, si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes ang pinuno ng Galilea. Ang kapatid naman niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang pinuno ng Abilene. Mga punong pari noon sina Anas at Caifas. Sa panahong ito, nangusap ang Diyos kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Kayaʼt nilibot niya ang mga lugar sa paligid ng Ilog Jordan para mangaral. Ipinahayag niya na kailangang pagsisihan at talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Sa gayon, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias, “May sumisigaw sa ilang na nagsasabi, ‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang landas na kanyang lalakaran. Tatambakan ang mabababang lugar, at papatagin ang mga bundok at burol. Itutuwid ang liku-likong daan, at aayusin ang mga baku-bakong landas. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ” Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino namang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Diyos? Kung totoong nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo sa inyong mga gawa. Huwag ninyong sabihin na dahil ninuno ninyo si Abraham ay hindi kayo mapaparusahan. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: Makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito.
Basahin Lucas 3
Makinig sa Lucas 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 3:1-8
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas