Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 13:1-9

Lucas 13:1-9 ASD

May ilang tao roon na nagbalita kay Hesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa Templo. Sinagot sila ni Hesus, “Ang akala nʼyo baʼy mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: Mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi ninyo pagsisisihan ang inyong mga kasalanan. Ganoon din ang labingwalong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay, ang akala ba ninyoʼy mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem? Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: Mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.” Pagkatapos, ikinuwento ni Hesus ang talinghaga na ito: “May isang taong may tanim na puno ng igos sa ubasan niya. Pinuntahan niya ito upang tingnan kung may bunga, pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng kanyang ubasan, ‘Tatlong taon na akong pabalik-balik dito para tingnan kung may bunga na ang igos na ito, pero wala pa akong nakikita kahit isa. Putulin mo na ang punong iyan! Sayang lang ang lupang kinatatayuan niyan.’ “Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Hayaan nʼyo na lang po muna ang puno ngayong taon. Huhukayan ko po ang palibot nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling magbunga sa susunod na taon. Kung hindi pa rin, saka natin putulin.’ ”