Kagalang-galang na Teofilo: Marami na ang nagtangkang sumulat tungkol sa mga pangyayaring natupad sa kalagitnaan natin. Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Diyos at mismong saksi sa mga pangyayari mula pa noong una. Matapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa umpisa, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga itinuro sa iyo. Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na Grupo ni Abias. Ang asawa niya ay si Elisabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elisabet, at matanda na silang pareho. Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa Diyos bilang pari. At alinsunod sa kaugalian ng mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng Templo ng Panginoon para magsunog ng insenso sa altar. Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elisabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, dahil magiging dakila siya sa mata ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. Dahil sa kanya, maraming Israelita ang magbabalik-loob sa Panginoon na kanilang Diyos. Mauuna siya sa Panginoon para ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang na mahalin ang kanilang mga anak, at ang mga sumusuway sa Diyos na tanggapin ang karunungan ng mga matuwid.” Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.” Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Diyos.” Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya napagtanto nilang may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon ay naging pipi na siya. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias.
Basahin Lucas 1
Makinig sa Lucas 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 1:1-23
12 Days
Over the next 12 days, we’re going to take a journey through the Christmas story and discover not only why it’s the greatest story ever told, but also how Christmas is truly for everyone!
29 Araw
Ipinaalam ng mga nakasaksi ang mabuting balita na sinabi ni Lucas tungkol sa kuwento ni Jesus mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan hanggang sa pagkabuhay-muli; Isinalaysay din ni Lucas ang Kanyang mga turo na nagpabago sa mundo. Araw-araw na paglalakbay kay Lucas habang nakikinig ka sa audio study at nagbabasa ng mga piling talata mula sa salita ng Diyos.
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas