Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 4:22-31

Leviticus 4:22-31 ASD

“ ‘Kapag ang isang pinuno ay nakalabag ng utos ng PANGINOON na kanyang Diyos nang di-sinasadya, nagkasala pa rin siya. At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. Ito ay handog para sa kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng PANGINOON sa dakong patayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog. Pagkatapos ay ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing na handog para sa kasalanan at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog pangkapayapaan. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin. “ ‘Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alinmang utos ng PANGINOON nang di-sinasadya, nagkasala pa rin siya. At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog para sa kasalanan, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog pangkapayapaan. At susunugin niya sa altar ang taba bilang handog na nakalulugod ang samyo sa PANGINOON. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, lilinisin ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin.