Leviticus 4:1-12
Leviticus 4:1-12 ASD
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Sabihin mo ang mga tuntuning ito sa mga Israelita. Ganito ang gagawin ninyo sa taong nagkasala nang di-sinasadya, kung saan ay nakalabag siya ng alin man sa mga utos ng PANGINOON: “ ‘Kung ang punong pari ang nagkasala nang di-sinasadya at dahil dito ay nadamay ang mga tao, maghahandog siya sa PANGINOON ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog para sa kasalanan. Dadalhin niya ang toro sa presensya ng PANGINOON doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro at saka niya ito papatayin. Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. Ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa harap ng kurtina na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng PANGINOON. Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang insenso sa loob ng Tolda sa harapan ng PANGINOON. At ang natitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na kung saan sinusunog ang ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob ng toro, ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Ganito rin ang gagawin sa hayop na handog pangkapayapaan. Pagkatapos, ang mga itoʼy susunugin ng pari sa altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. Ngunit ang natitirang bahagi ng hayop, katulad ng balat, laman, ulo, mga paa at nasa loob ng tiyan, pati na ang lamang-loob, ay dadalhin sa labas ng kampo at susunugin sa lumalagablab na siga ng mga kahoy, doon sa itinuturing na malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.


